Filed under: 1
I’m shutting down my WordPress. Ang saya pala magmultiply hahaha!!!
***Goodbye WordPress! Hindi ko malilimutan ang ating napagsamahan***
***Goodbye na rin siguro sa mga posts ko din… history na sila! hahahah!***
===========================================================
This blog will no longer be updated. CLICK HERE to go to my active Multiply
account. Thanks!
===========================================================
Filed under: 1
Hiya guys! Check out my maikling kuwento==> requirement siya sa Filipino III! Hehehe!!!
Liwanag sa Mundong Madilim
Madilim. Ang langit ay nababalutan ng makakapal na mga ulap na tila nagbabadya ng isang napakalakas na unos.
Malamig. Sa bawat dampi ng hangin sa aking balat ay kakaibang lamig ang aking nararamdaman. Tumitindig ang aking mga buhok sa kadahilanang hindi ko malaman.
Kanina ko pa binabagtas ang daang hindi ko alam kung saan patutungo—sampu, dalawampu, talumpung minuto, isang oras… hindi ko alam. Hindi sa hindi ko tunay na nababatid ang aking pupuntahan kundi masyado lamang namanhid ang aking utak dahil sa labis na kalungkutan. Hindi ko rin alam kung bakit hindi pa nagpapakita ni isang sinag ang araw na dapat sana’y magbibigay init at papawi sa lamig na bumabalot sa lahat. Tila ayaw ipakita ng araw ang kanyang mukhang nasisiguro kong balot din ng dilim sapagkat ito’y daragdag lamang sa bigat na loob na aming nararamdaman. Kung saan ako naglalakad ngayon, isang bagay lang ang nasisiguro ko—wala ni isa man sa mga taong nariritong naglalakad kasabay ko ang nakararanas ni isang bahid ng kaligayahan.
Maingay. Maraming iyak ng hinagpis ang aking naririnig. Sa aking kaliwa, may isang inang may bitbit na umiiyak na sanggol. Hindi magawang patahanin ng inang ito ang kanyang anak sapagkat pati siya ay walang patid ang pagluha. Sa aking kanan, harapan, likuran, lahat damang-dama ang kalungkutan.
Noong isang linggo, Sabado nang madaling araw, binawian ng buhay si Caridad. Ang kanyang katawan ay naninigas na, malamig at namumutla nang aking matunghayan. Sa kanyang mukha mababakas ang ibang klaseng ngiti—isang ngiting nagpapahayag ng kaligayahan dulot ng pagsisimula ng habang buhay na pamamahinga.
At ngayong araw na itong puno ng kadiliman, lamig at ingay, dadalhin na ang kanyang katawan sa kanyang huling hantungan.
—
Naglalakad ako sa may Binondo, sa isang masikip na eskinitang puno ng mga taong nagbabanggaan at nagkakasikuhan. Naghahalo ang amoy ng mga bulok na pagkain, sunog na goma, baradong imburnal, dumi ng hayop at marami pang ibang mga nakakapanakit-ilong na halimuyak. Kahit saan ko man ibaling ang aking paningin, lahat ng aking nakikita ay kamamalasan ng kasamaan— kawalan ng pag-asa, karumihan, kahirapan, pagmamalabis, kamangmangan.
Tinanong ko sa aking sarili: ano ang ginagawa ko sa lugar na ito? Sadyang hindi ako nababagay sa kinalulugaran ko ngayon. Ako, si Jose Protacio Lopez na tagapagmana ng mayamang negosyanteng nagmamay-ari ng isa sa pinakamalalaking kumpanya sa bansa, at ang kapaligirang kayrumi-rumi, kaybaho-baho at kaysama-sama ay tunay na hindi nababagay magsama.
Matagal na akong hindi nakakakita ng ganitong tagpo. Ito ay dahil sa lumayo ako sa bansa upang makapag-isa. Naging malungkot ang buhay ko dito sa Pilipinas noon sapagkat mayaman nga kami, ngunit hindi ko maramdaman ang pagmamahal mula sa aking ama. Nilunod niya ang kanyang sarili sa trabaho magmula nang mamatay ang aking ina nung ako’y sanggol pa lamang.
Sampung taon akong nag-aral sa Estados Unidos. Sampung mahahabang taon ko tiniis ang lungkot. Ibinuhos ko ang aking pagkalumbay sa aking pag-aaral ng pilosopiya. Sa sampung taong ito ko napatunayang ang mundo’y sadyang kaylupit.
Gaano ko man katindi lunurin ang aking sarili sa pag-aaral, napakalakas ng pagsigaw sa loob ng aking pagkatao ng isang tinig na nagsasabing tapusin ko na ang aking buhay sapagkat wala naman akong patutunguhan at wala akong puwang kung ang aking iniisip na misyon sa buhay ay palaganapin ang kabutihan at pagkakaisa. Walang tunay na mabuti sa mundo. Kasamaan, kasakiman, kadiliman lamang.
Ang mga magulang ay nariyan hindi dahil sa lubos na pagmamahal sa kanilang anak kundi upang magkaroon ng seguridad sa kanilang pagtanda. Nariyan ang mga propesor hindi dahil sa kanilang pagmamahal sa edukasyon kundi upang kumita ng perang kanilang kakailanganin sa pangaraw-araw. Ang mga kaibiga’y malapit lamang sa atin sa oras ng ating tagumpay ngunit laging umiiwas sa oras ng kalungkutan. Nariyan ang mga pilantropo hindi dahil sa kanilang naising tumulong sa mahihirap kundi upang makilala lamang, sumikat at lalong lumaganap ang kanilang impluwensya at kapangyarihan. Nariyan ang Diyos upang subukin ang tao dahil hindi Siya naniniwalang karapat-dapat ang mga ito para makapagkamit ng kaligtasan.
Marahil nga naman, tama ang tinig na iyon ng aking kalooban: mabuti nang mamatay nang mas maaga at matakasan ang hirap at pasakit sa mundong ibabaw kaysa tumagal at mamalas pa ang pagkarami-raming anyo ng kasamaan.
Naglalakad ako sa masisikip na eskinita ng Binondo, naghahanap ng kung anong sa ngayo’y hindi ko matanto. Ayoko nang sirain pa ang aking nabuong pagtanaw ukol sa mundo. Buo na ang aking isip. Ngunit hindi nakikiisa ang aking damdamin.
Tinatawag niya ako. Alam niyang mayroon pa, kahit kaunti. May natitira pang mabuti at kaaya-aya sa mundo.
Naglakad pa ako. Maraming dukha sa paligid ang naghahanap ng malilimusan upang maibsan pansamantala ang gutom na nararamdaman. Ang iba nama’y naroon lamang sapagkat itinuring na nila ang lugar na iyon bilang kanilang permanenteng matitirhan.
Umupo ako sa isang tabi, nagmamasid. Nagdaan ang ilang sandali at lalo lamang ako nakumbinsing, wala na. Natalo na ng dilim ang liwanag na kaytagal-tagal nang nagpupumiglas.
Ngunit nang ako’y mapalingon, mayroong isang babaeng may katandaan na ang bumaba sa isang dyip. Lumapit ang mga batang mahihirap sa kanya, pawang nakangiti ang mga ito. Ilang sandali pa’t inilabas na mula sa sasakyan ang isang malaking kaldero ng pagkaing ipapakain sa kanila. Bakas sa mga mata ng mga bata, at higit lalo sa mata ng babaeng ito, ang kaligayahan dulot ng nagaganap na eksena.
Tinitigan ko ang mukha ng babae. Sinuri ko ang kanyang panlabas na kaanyuan. Nakasuot siya ng pangkaraniwang damit at wala siyang mga alahas ‘di tulad ng mga hipokritong pilantropong dumadayo sa lugar ng mga mahihirap. Ni walang kolorete ang kanyang mukha. Humanga ako.
Nagsalita muli ang tinig na nagmumula sa akin: hindi ka ba nag-iisip? Isa yan sa mga taong tumutulong upang sumikat at lumawak ang impluwensya!
“Narito na si nanay!” sigaw ng isa sa mga batang naroroon. Dumating pa ang mas maraming mga tao.
“Sino siya?” tanong ko sa isa sa mga lumalapit.
“Siya?” sabay turo ng aking tinanungan. Tumango ako. “Siya si Caridad. Tintulungan kaming lahat na gipit dito sa lugar na ito. Napakabait niyang tao. May ilang taon na rin siyang dumdayo rito sa aming lugar. Napalapit na nga siya sa aming lahat at tinatawag siya ng lahat ng mga kabataan dito ng ‘nanay’. Napakabait niya.”
“Ah ganun ba,”
“Kung wala na po kayong itatanong, mauna na po ako at ako’y nagugutom na,” sabi ng aking tinanungan.
Inabutan ko ito ng dalawang daang piso at umalis. Nabuhayan ang aking damdamin. Marahil ito na ang liwanag na aking hinahanap. Dito sa maliit na pagtulong na ito magmumula ang isang nakasisilaw na liwanag na tatalo sa dilim.
Mag-isip ka! Hindi totoong mabuting tao ang babaeng iyon. Nais lamang niya sumikat! Huwag kang magpapalinlang!
Hindi ko pinansin ang tinig na iyon. Nakakita na ako ng pag-asa. Naglakad ako pabalik sa aking sasakyan. Sinundan ko ang kanyang sinasakyang dyip upang malaman kung saan siya nakatira.
Mas lalo pa akong humanga sa aking narating na lugar: isang bahay ampunan. Tila tumalon ang aking puso sa galak dahil sa aking nakita. Ang babaeng ito ay tunay na mabuti.
Tunay na mabuti? Paano mo naman nasabing mabuti ang isang taong kumukupkop sa iba? Sa gawain niyang ito, inilalayo niya ang kanyang mga ampon sa tunay na tadhana nila. Inilalayo niya ito sa katotohanang malupit ang mundong ating tinitirahan.
Nakapagpasya na ako: magpapanggap akong isang nangangailangan ng tulong upang makilala ko nang lubos ang Caridad na ito.
—
Narating namin ang hukay na paglilibingan ng kanyang katawan. Nagsimula na ang ulang kanina pa nagbabadya.
Nanginginig ang aking katawan dulot ng pag-ulan. Mabigat ang nararamdaman ng aking pisikal na katawan ngunit mas mabigat ang pinagdaraanan ng aking kalooban. Sa sobrang pagod, puyat at gutom na aking napagdaanan nitong mga nakalipas na araw sa mga lamay kay Caridad, napaupo ako sa lupang basa, nararamdamang bibigay na ang aking katawan.
Maputik. Putik na ang kanina’y tuyong lupa. Sa putik rin na ito ibaba at iiwanan magpakailanman ang katawan ng isang napakabuting tao.
Sinimulan nang ibaba ang kanyang katawan. Nag-iyakan ang mga naroroon. Humagulgol ang ilan samantalang tahimik ang iba. Sa panahong ito ko naalala ang mga panahong kami’y nagkasama…
—
Kumatok ako.
Si Caridad mismo ang bumukas ng pintuan. Napansin ko ang kanyang payat na katawan na may kahinaan na. May kabagalan na ito sa paggalaw at maingat na maingat sa paglalakad. Pinakakapansin-pansin ang kanyang nakangiting mukha. Bagama’t kulu-kulubot na dulot ng katandaan, ito’y napakaaliwalas na tila walang pinoproblema na kung anuman.
“Nais ko lamang po humingi ng tulong. Nasunugan po kami at ako na lamang po ang nabuhay. Sana po matulungan ninyo ako,” ang sabi ko sa kanya. Inensayo ko nang maigi ang linyang ito upang makumbinse ko siya nang hindi siya nanghihinala.
“Pumasok ka muna iho at magpahinga. Marahil ay pagod na pagod ka na. Umupo ka muna diyan sandali at ipaghahanda kita ng makakain,” sabay turo sa isang upuang narra.
Umupo ako at napansin ko ang mukhang hindi tumitigil sa pagngiti. Nakita ko ang mga matang tila mga tala sa gabing madilim: kumikinang sa ligaya. Hindi kagandahan ang kanyang mukha ngunit may taglay siyang kung ano na nagpapaakit sa kanya. Nakikita ko sa kanyang mukha ang larawan ng isang inang mapagmahal at mapag-aruga.
Bumalik siya makalipas ang ilang sandali na may dala-dalang tinapay at maiinom na tsokolate. Suot pa rin niya sa kanyang mukha ang maaliwalas na mukha at ngiting nakakahawa.
“Ano nga pala ang iyong pangalan iho?” tanong niya sa akin.
“Jo- Jose po. Tiga-Pasig po ako at nasunugan po kami kamakailan lang. Kasama pong nasunog ang lahat ng aming ari-arian. Namatay na rin po ang aking buong pamilya.” Tumigil ako sandali upang tingnan ang kanyang reaksyon.
“Wala ka na bang malalapitang mga kamag-anak o kaibigan?” usisa pa nito sa akin.
“Wa-wala na ho,” ang wika ko sa kanya.
“Kung gayon, ituring mo nang tahanan ang lugar na ito,” aniya nang may ngiti.
“Naku! Maraming salamat po! Tunay na napakabuti ninyo!” sabi ko sa kanya.
Nilapitan niya ako at niyakap nang may ngiti. Sa maikling sandaling ito, kinilabutan ako dahil sa yakap niyang ito sa akin. Naramdaman ko, sa unang pagkakataon sa aking buhay, ang yakap ng isang ina.
Sa yakap rin na ito namulaklak ang isang relasyong hindi ko malilimutan.
Sa panahong kami’y magkasama, nararamdaman ko ang kaligayahan at kaligtasan. Itinuring ko siyang aking tunay na ina, lalo pa’t madalas kaming mag-usap ukol sa mga bagay-bagay tungkol sa buhay.
“Anak, ang buhay ay sadyang napakapait at napakalungkot. Maraming mga nangyayari sa ating buhay ang hindi natin ninananais at hindi natin inaasahan. Madalas, tayo ay nahihirapan, namomroblema, nagkakasakit, at sa dulo, namamatay…”
Nakita mo na Jose? Kahit ang babaeng ito ay nakikiayon sa akin! Ang buhay ay puro lamang kalungkutan at walang maidudulot na tunay na ligaya! Maniwala ka! Tigilan mo na ang—
“Ngunit alam mo kung ano ang pinakamahalaga?” usisa niya sa akin.
“Ang bumangon mula sa mga ito at kailanman ay huwag magpatalo?” sagot ko sa kanya nang may pangungutya.
Ngumiti siya.
“Ngunit hindi ba sadyang labis na ang kasawian? Tulad ko, nasunugan at namatayan! Napakahirap nang bumangon kapag alam mong wala nang natitira pa sa iyo.”
Umubo siya. Inilabas niya ang kanyang panyo at umubo pa. Tiningnan niya ang panyo, tinupi at tinago muli.
“Anak, nasisiguro ko sa iyo: marami pa ang taglay mo. Hindi palibhasa kinuha na ang mahahalaga sa buhay mo ay wala nang naiwan. Hindi dahil ang nakikita mo ay puro hirap, wala nang natitirang saya. Hindi dahil madilim, wala nang liwanag na maaaring umilaw sa karimlan.” sagot niya sa akin nang may ngiti.
Umubo siyang muli at naisip kong kailangan na niya magpahinga.
Nang isang gabi ay pumunta siya muli sa lugar na unang pinagkitaan ko sa kanya, sumama ako. Napakasaya niya nang araw na iyon. Bagama’t lumalala na ang kanyang pagubo, nakita kong napakalakas nang kanyang enerhiya nang marating ang lugar.
Kinausap niya ako, “Nakikita mo ang mga batang ito? Hindi ba’t mas mapalad ka at may natitirahan ka pang bahay samantalang sila ay natutulog lamang sa malamig na sahig kung gabi? Tunay na nakakaawa sila, pero tingnan mo. Napakasaya nila. Dahil nakikita nila ang pag-asa.”
“Jose, huwag kang mawawalan ng pag-asa. Mahaba pa ang lalakbayin ng iyong buhay. Kung sumuko ka na ngayon, hindi mo magagawa ang pagbabagong iyong ninanais.”
Nagulat ako sa mga salita niyang ito sa akin. Nalaman na niya kaya kung sino talaga ako? Natuklasan na kaya niya ang aking lihim?
Ngumiti siya muli sa akin. Ngumiti rin ako sa kanya.
“Gusto mo bang mamasyal sa parke ngayon?” tanong niya sa akin.
Ang parkeng tinutukoy niya ay ang lugar na tinutungo ng lahat ng mga tao sa bahay-ampunan tuwing Linggo. Dito kami naglalaro, kumakain at nagsisiya.
“Ngunit Biyernes pa lamang ngayon. At isa pa, alas- diyes na nang gabi,” sagot ko sa kanya.
“Samahan mo ako. Nais kong magpahangin.” Napansin kong maputla ang kanyang mga labi. Pumayag ako.
Nararamdaman ko na ang kanyang paghina. Si Caridad, na napakasayahin at tila hindi nauubos ang lakas ay nanghihina na. Unti-unti nang bumibigay ang kanyang katawang marahil ay tapos na sa kanyang paglalakbay. Nararamdaman kong hindi na kakayanin pang lumaban ni Caridad.
Pagdating sa parke, binuhat ko na lamang siya sa paniniwalang hindi na kakayanin ng kanyang yayat na mga binti ang maglakad pa. Pagdating sa malilim na lugar ay ibinaba ko siya sa damuhan. Nakita kong nangingilid na ang kanyang luha. Kasabay nang kanyang pagngiti, pumatak ang unang luha mula sa kanyang mata.
“Jose, anak. Dumating na. Panahon ko na. Nakikita ko na ang liwanag mula sa langit, tinatawag ako.”
“Huwag mong sabihin yan. Magpahinga ka lang muna,” sagot ko sa kanya nang may pagpigil sa aking sariling mga mata. Ayaw kong ipakita ang kahinaan sa mga panahong ito. Hindi ko hahayaang maramdaman niyang kinaaawaan siya.
Napamahal na ako nang lubos sa kanya. Hindi ko man nakita o nakilala ang aking tunay na ina, alam kong may isang taong tumayo sa kanyang puwesto. Si Caridad ang nagsilbing aking bagong ina dito sa lupa.
“Jose. Nakikita mo ang punong ito? Bata pa. Namumunga pa. Hindi pa ito namumukadkad, hindi pa lumalago sa kanyang lubos na kakayahan. Iyan ang puno mo. Huwag mong sasayangin at huwag na huwag mong putulin.”
“Nararamdaman ko na.”
“Huwag ka nang magsalita. Lumaban ka,” pilit kong iminumungkahi sa kanya.
“Anak, wala na tayong magagawa. Taglagas na ng aking buhay.” Umubo ito. May dugong lumabas mula sa kanyang bibig.
Muli ko siyang binuhat at tumakbo pabalik sa sasakyan.
“Jose…” Napabuntung-hininga pa ito. Binilisan ko pa ang takbo. Isinakay ko siya sa sasakyan at tumungo na nang hospital
“Jose…” Lumunok ako upang pigilin ang aking papalabas nang luha.
“Jose…”
“Huwag kang susuko! Caridad!” pasigaw kong sabi sa kanya.
Napapikit siya. Ngumiti at lumuha muli. Hindi ko na nakayanan. Dumaloy na ang luha mula sa aking mga mata.
“Nagpapasalamat ako at nakilala kita. Sana…”
At nagkahiwalay kami. Dinala na siya ng mga nars sa emergency room upang masuri.
Sabado, alas dose ng madaling araw. Nanghihina ako sa gutom at pagod ngunit hindi ito ang idinadaing ng aking bibig. Patuloy kong binibigkas ang pangalan ni Caridad.
Ala-una ng madaling araw. Lumabas ang doktor.
Ang sabi ng doktor, dalawang taon nang nakikipaglaban si Caridad sa leukemia.
Dalawang taon na siyang nakikipaglaban nang hindi man lamang binabanggit sa akin ang kanyang kalagayan. Dalawang taon siyang nakipaglaban nang mag-isa.
Ginawa na ng manggagamot ang lahat. Wala na. Hindi na maisasalba pa ang buhay ni Caridad.
Humagulgol ako sa ospital. Nasuntok ko ang pader sa sobrang bigat ng loob.
Naglakad ako tungo sa tuktok ng ospital na iyon upang magpahangin at makapagisip-isip.
Bakit kinuha sa akin ang taong minahal ko nang lubusan? Bakit kinuha mula sa akin ang unang taong nagparamdam sa akin ng pagmamahal? Bakit ang taong itinuring kong aking ina ay kailangan bawiin mula sa akin?
Dahil sadyang malupit ang mundo. Walang pagmamahal.
Bakit hindi niya sa akin sinabing maysakit siya? Bakit niya itinago sa sarili niya ang pagkakaroon ng sakit na ito?
Dahil makasarili siya. Ayaw niyang ipaalam sa iyo sapagkat alam niyang iiwan mo siya. Hindi niya sinabi sa iyo dahil hindi ka niya pinagkakatiwalaan.
Bakit ang hilig niyang tumulong sa iba gayong ang mismong sarili niya ay hindi niya tinutulungan, hindi inaaruga? Bakit siya tumutulong sa iba kung hindi pala upang sumikat at lumawak ang impluwensya?
Dahil siya ay isang Kristiyanong naniniwala sa langit. Gumagawa siya nang mabuti dahil alam niyang malapit na siyang mamatay. Ayaw niyang mapunta sa impyerno kaya’t iginugol niya ang kanyang natitirang panahon para sa pagtulong. Gumagawa lamang siya ng mabuti hindi dahil sa ito ay likas na mabuti ngunit dahil natatakot siyang hindi makarating ng langit.
Nanghina nang lubos ang aking katawan at kalooban. Dumating na sa puntong mananaig na ang tinig na nagsusumigaw sa aking isip. Natalo na niya ang liwanag. Kinain na niya kung anuman ang nalalabi. Naglakad ako sa may gilid ng tuktok ng gusali. Isang hakbang na lamang at magwawakas na ang paghihirap.
Nakita kong bumalik ang lahat ng aking mga alaala. Nakita ko ang aking pagsilang, paglaki, pag-iwan ng tatay, pagpunta ng Estados Unidos, pag-aaral, pagbabalik, si Caridad.
“Huwag mong sasayangin…” paulit-ulit kong naririnig.
“Huwag mong sasayangin…”
“Huwag mong sasayangin…”
Hindi pa sapat ang kasagutan na hinahanap ko. Hindi pa panahon para ako’y mamaalam. Umatras ako.
Isang bagong tinig ang aking narinig: nagsalita na ang aking damdamin, “maniwala ka.”
“Sa araw ng libing, matutuklasan mo ang lahat, maghintay at maniwala ka lamang.”
—
Tinakpan na ng lupa ang kabaong ni Caridad. Nasabi ko sa aking sarili na marahil, kasabay ng pagbaon kay Caridad ay maaaring malimutan ko na lamang ang lahat na tila walang nangyari. Kasabay ng kanyang habang buhay na pamamahinga ay habang buhay na ring mawala ang aking pag-asang mayroon pa…
Mas umingay ang paligid. Kanina pa ako naririto sa lugar na ito ngunit ngayon ko lang napansing napakaraming tao ang nakikidalamhati para sa kamatayan ni Caridad. Para sa isang pangkaraniwang taong tulad ni Caridad, dinagsa siya ng humigit kumulang dalawang daang tao.
Ang bilang na ito ang sagot na hinahanap na tinig ng aking damdamin. Ito ang kanyang inaasahan at pinaniniwalaan.
Ang mga taong ito ang patunay na busilak ang kalooban ni Caridad. Ang bilang na ito, at naniniwala akong marami pa, ang lahat ng natulungan ni Caridad. Napatunayan ng mga taong ito ang purong hangarin ni Caridad na tumulong sa iba, nang walang hinihinging kapalit o kabutihang kanyang matatanggap. Mahal na mahal siya ng mga taong ito at alam kong mahal na mahal rin niya silang lahat.
Dahil mahal na mahal niya ang napakaraming tao, ayaw niyang saktan sila kung kaya’t nilihim niya ang kanyang sakit. Ginawa niya ito dahil sa pagmamahal.
Kinailangan niyang lumisan upang mapagtanto ko ang mga aral na ito na magpapabago sa aking pananaw sa buhay. Dahil sa kanyang pagkawala, natuto akong tingnan ang mundo sa isang bago at mas mabuting perspektibo.
Naglakad ako palayo sa maraming tao. Ngumiti ako. Naalala ko si Caridad
Wala na nga si Caridad. Wala na ang mga ngiting nagpapaalala sa akin sa aking inang hindi ko nakita. Wala na rin ang mga ubong naririnig ko at nagpapaalala sa akin ng kanyang katandaan. Wala nang Caridad na aking sasamahan tuwing linggo sa pamamasyal sa parke. Wala nang Caridad na aking makakausap at makakadebate ukol sa buhay ng tao. Muli, wala na akong ina.
Wala na rin ang dating Jose na hindi naniniwala sa kabutihan. Nagbago na siya. Dahil sa ehemplo ni Caridad, hinahanap ko na ngayon ang kabutihan sa iba. Natuto akong magtiwala at magmahal.
Tumingin ako sa langit. Nawawala na ang malalaki, makakapal at madidilim na mga ulap. Isang silahis ng araw ang nagpakita at nagbigay init sa aking katawan. Naalala ko si Caridad. Nagunita ko ang alaala ng kanyang ngiting nagsisilbing liwanag sa aking mundong dati’y kaydilim.
Filed under: 1